Wednesday, 05 October 2011 03:53
Tila parang lumahok sa karera itong sina Pilar Mayor Charlie Pizarro at Morong Mayor Cynthia L. Estanislao. Ito’y dahil kung sino sa kanilang dalawa sa taong kasalukuyan ang maunang magpagawa ng kanilang Bahay Pamahalaang Bayan.
Kapansin-pansin nga dito sa Bataan itong Munisipyo ng Pilar at Morong ang tangi na lamang Bahay Pamahalaang Bayan ang naiiwan sa uso. Kung kalian lamang itong munisipyo ng Bayan ng Samal ay ipinabago na ni Mayor Gene M. dela Fuente ngunit di kalakihan ang nagastos pero naging kaaya-aya sa paningin.
Kaya tama lang ang pasya nitong si Mayor Charlie at Cynthia na magpatayo na sila ng Bagong Bahay Pamahalaang Bayan. Dahil bukod sa ito’y may kalumaan na marupok na rin ang mga pundasyon at hindi na rin ligtas para gamitin.
Sa kasalukuyan ayon dito kay Mayor Pizarro ay aprubado na sa bangko ang kanilang hinihiram upang kanilang magamit at masimulan na ang pagpapatayo ng kanilang bagong munisipyo. Kanya din inaasahan na bago matapos ang taong kasalukuyan ito’y kanila ng magagamit.
Samantala hinihintay na lamang nitong si Mayor Cynthia ang Resolution na ipapasa ng kanilang Sangguniang Bayan ito’y upang makumpleto na nila ang lahat ng requirements na hinihingi ng bangko ng ma-aprubahan na nito ang kanilang hinihiram na gagamitin sa pagpapatayo din ng kanilang bagong munisipyo.
Kaya asahan na ng mga mamamayan sa dalawang bayang ito, na bago maglipat taon ay tiyak ng may magagamit silang Bago at magandang Munisipyo at ito’y kanila ng maipagmamalaki.-ATOY GALICIA
Source: Bataan Defenders News Vol. VII, No. 20, May 25-31, 2011, Page 1, 2


